BER MONTHS

Walang tutulad sa mga Pilipino na may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko sa buong mundo.  Nagsisimula ito mula Setyembre hanggang Enero.  Pagpasok pa lamang ng Setyembre ang mga mall ay puno na ng makukulay na dekorasyon.  Maririnig na rin ang masasayang tugtuging Pamasko na sumasagisag na ang Pasko ay naririto na.  Sa radio, telebisyon, opisina at tahanan ay nagsimula nang mag “countdown”.  Sabik nang naghihintay ang mga empleyado sa kanilang “Christmas bonus” upang makapamili na ng mga regalo at gamit na pamasko.


Pagsapit ng Disyembre, walang tigil ang handaan, kainan at mga party na dapat puntahan.  Ito ang panahon kung saan lahat ay nagtatabaan, dahil sa walang tigil na kainan. Ang mga problema ay isinasaisantabi muna at kinalilimutan.  Ang bawat bahay ay puno ng dekorasyon tulad ng parol, Christmas tree, Santa Claus, snowman at mayroon din naman hindi nakakalimot na maglagay ng belen.

Sadyang kakaiba ang pagdiriwang natin ng Pasko.  Ang “Simbang Gabi” ay inaabangan ng lahat.  Ipinagdiriwang ito sa medaling araw ng ika-16 ng Disyembre at natatapos ng ika-24 ng Disyembre.  Hindi mawawala sa almusal ang bibingka, puto bungbong, suman at salabat.

Pagsapit ng Noche Buena sa bawat tahanan ay nagsasalo-salo ang pamilya, mahirap man o mayaman upang salubungin at ipagdiwang ang pagsilang ng Anak ng Diyos na ating Panginoon at Tagapagligtas.

Noong ako’y bata pa, laging may birthday cake na inihahanda ang aking ina para sa Niño Divino.

Kami ng aking mga kapatid ay nag-aalay ng handog ng pagbabago na magaganap sa puso ng bawat isa sa amin.  Sa gayon, higit na umiral ang pagmamahal, pagpapatawad at kapayapaan sa aming pamilya.

Tunay na ito ang diwa ng Pasko, pagmamahal ng Diyos sa tao, at pagmamahal ng tao sa Diyos at sa kapwa tao.

Hindi rito nagtatapos ang pagdiriwang ng Pasko.  Sa ating pagsalubong sa Bagong Taon, hindi lamang mga ingay, “fireworks”, paputok na walang tigil ang nagaganap, ano mang higpit na ipinagbabawal sa atin.  Higit sa lahat isang bagong pag-asa ay umiiral sa bawat puso ng bawat isa.  Bagama’t nakakaranas tayo ng maraming pagsubok at krisis sa ating lipunan, buo pa rin ang ating pananalig sa Diyos.  At upang makamit ang pagpapala sa buhay, nakagawian na ng halos lahat na gumawa  ng “New Year’s Resolution”, mga magagandang plano at pagbabago na isasagawa at pagsisikap na magpakabuti.

Sa puso ng bawa’t Pilipino, tunay ngang “magic ang Pasko”.

 

In response to the request of Parish Works’ Editor/Coordinator, this article was written in Pilipino.

Sunday Mass Schedule Effective March 2011

6:30am - Filipino
8:00am - English
9:30am - English
11:00am - English

12:15n.n - English

3:30pm - Filipino
5:00pm - English
6:30pm - English
8:00pm - English

Download Parishworks

Please publish modules in offcanvas position.